Sa hindi maintindihang rason, sinumpong na naman ako ng dati kong sakit. Sobrang pagkatuliro at hindi pagkapakali, hindi ko alam kung bakit. Dahil ba wala akong magawa o maisip gawin kundi ang isipin ka? Isipin yung panahong nakilala kita. Yung mga panahong masaya ka dahil sa kahit anong paraan, napapasaya at pinapasaya kita. Yung mga panahong kuntento tayo sa kahit ano, kahit ano lang na meron tayo, basta't magkasama. Hay, hindi ko maiwasang mapamura sa sobrang galit sa sarili ko. Kailan kaya ikaw magbabalik sa mundo ko? Pagkaraan ba nang ilang linggo? O, nang ilang buwan? O, nang ilang taon? Napangiti ako bigla, pero binawi rin agad ng lungkot.. "Hmmm.....mukhang hindi na, siguro hindi na....."
Lakad dito, lakad doon. Hindi alam ang patutunguhan, tila wala naman kasi yata. Kung saan dalhin ng mga paa, doon nalang, bahala na... Kausap ang sarili ko, "pigilan ako...tigilan mo ako"..... Paikot ikot, nag-iisip pero wala naman sa sarili....nangangamba, pero wala namang pakialam. Sa akit ng gabi, wala nako kamalay malay sa layo ng narating ko. Nakatingin kasi ako sa anino ko na nakayuko, nandito na pala ako sa kalsadang dinadaanan natin dati at nadadaanan natin minsan. Nakakita ako ng tindahan, bumili saglit ng yosi, pagkapa ko sa bulsa, dun ko lang nalaman na wala pala akong dalang pitaka, bale coin purse lang. Pagkasindi ko, naghanap ako ng malapit na mauupuan.
Basa lagi yung harapan ng gate ninyo kaya sa kabilang gilid ng kalsada nalang ako naupo. Minamasdan ko lang yung paraisong ginagalawan mo dati at ni nika. Yung paraiso kung saan ako dati nagpupunta para makasama ka. Lahat lahat ng yun, bumabalik sa isip ko. Huwag mo sana iisiping may binabalak akong masama o hindi maganda. Ewan ko, binubuhay ko lang yung mga alaala nating dalawa nung tayo pa magkasama, sa kahit anong paraan na magagawa ko.....sa kahit anong paraan para ako sumaya...
Mag-dadalawang oras din bago ko umpisahan maglakad ulit pauwi. Anlamig ng hangin, pero parang balewala sakin. Para kasing nararamdaman kitang nakayakap sa braso ko habang nakalagay yung dalawang kamay ko sa bulsa. Sulyap ako ng sulyap sa kanang balikat ko kasi nai-imagine kong nakatingin ka sakin patingala, ganun ka kasi dati pag naglalakad tayong dalawa. Lagi kang nakatitig sakin na parang ayaw mo kong mawala sa paningin mo. Masamang masama ang loob ko, pero nagawa ko umuwing may konting saya kahit papaano. Pagod nako, pero yung mga paa ko, parang hindi pa... Durog na durog na yung damdamin ko sa sobrang sakit na nararamdaman ngeon, pero yung isip ko, parang hindi pa.....
Kinakausap na naman ako ng sarili ko, sabi "asa ka pa! wala na, give up na!".....sabi ng pagkatao ko, "hindi pa, kaya ko pa....."

No comments:
Post a Comment